top of page

Sagrado

  • Writer: Project Thorns
    Project Thorns
  • Jul 26, 2020
  • 1 min read

Isang diyosa ang sa kwarto ko’y pumanhik. Nagdala ng itim na rosas na walang tinik. Talulot nito’y kanyang isa-isang ikinalat sa sahig. Samantalang umaalay ang awiting sa aki’y umaakit.

Mata niyang nangungusap sa akin— matalim na nakatitig. At hindi nga naglaon, ako’y tinakasan ng sariling bait. Siya’y nagsimulang maghubad at ako’y kusang lumapit. Aming kaagad na pinagsaluhan— halik na walang kaparis. Marahas, ngunit tunay na matamis!

Hindi namalayan, labi ko’y kumilos na waring may sariling isip. Mula sa kanyang labi, bumaba sa leeg patungo sa kanyang dibdib. Ninamnam ko bawat sandali hanggang sa ako’y napatigil. Isang insensong natutulad sa amoy ng nabubulok ang sa aking paghinga’y bumabalakid.


Noon din, ang kontrol ko sa aking diwa ay nagbalik. Kasabay ng aking pag-atras, napalingon ako sa aking gilid. Hindi ako makapaniwala— isa itong masamang panaginip! Dalawa ang ako— ang isa ay nakahiga at isa nama’y nakatindig. Ako ay gising, samantalang ang kawangis ko’y nakapikit.

Bigla-bigla, ang rosas niyang hawak ay agad niyang pahalang na tinudla sa aking bisig. Mitsa ng pagdaloy ng dugo sa tumubong ugat ng bulaklak— dumidilig.

Ang ugat ay patuloy na lumalaki’t kumakalat sa buong paligid. Hanggang sa ang saklaw nito’y dahilan ng paglaho ng aking silid. At sa aking pagkurap, lumitaw ang isang kakaibang hardin. Tinutubuan ng mga bulaklak na lahat ay matitinik at pawang kulay itim. Mula sa aking likuran, ang diyosa ay may ibinulong na pumukaw sa’king pandinig. “Matagal na kitang iniibig at ngayo’y dito ka na mananahan sa’king daigidig.”


Arlou Guabong Gubat Contributor, Project Thorns Artwork by Art with Kuya Ben

Commenti


Send us your feedback

Thanks for submitting!

© 2020 by Project Thorns

bottom of page